MALACAÑAN PALACE
MANILA

BY THE PRESIDENT OF THE PHILIPPINES

[ Proklamasyon Blg. 363, Abril 29, 1994 ]

NAGTATALAGA SA PANAHONG MAYO 1 HANGGANG MAYO 7 NG BAWAT TAON BILANG “LINGGO NG PAGGAWA”

SAPAGKAT, ang Republika ng Pilipinas ay isang bansang dumadakila at nagpapahalaga sa mga manggagawa;

SAPAGKAT, ang Araw ng Paggawa ay isang taunang pagdiriwang at mahalagang salik upang kilalanin at maitampok ang naisakatuparan at naisagawa na katangi-tangi ng mga manggagawa sa larangang pangkabuhayan at pagsulong ng bansang Pilipinas;

SAPAGKAT, ang pamahalaan ay lantay na nagtitiwala na sa mga bisig ng mga manggagawa, nakasalalay ang tagumpay ng “Pilipinas 2000”;

SAPAGKAT, higit kailanmang panahon at adhikain ng gobyerno, na mag-ukol ang sambayanan ng gintong panahon upang gunitain at maipadama ang ating pagkilala sa mga inialay at naisagawa na ng mga manggagawa sa loob at labas ng bansa;

DAHIL DITO, AKO, si FIDEL V. RAMOS, Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa pamamagitan ng kapangyarihan na ipinagkaloob sa akin ng batas, ay nagtatalaga sa panahong Mayo 1 hanggang Mayo 7 ng bawat taon bilang “Linggo ng Paggawa”.

Sa ikatutupad nito, hinihikayat ko ang lahat ng mga kapisanan ng mga manggagawa na magbuklod-buklod tungo sa makabuluhang pagdiriwang ng “Linggo ng Paggawa” ngayon at sa hinaharap. Tandisang hinihimok ko ang mga namumuhunan na magkaisat tumulong sa layuning ito.

Inaatasan ko ang Kagawaran ng Paggawa at Panghanapbuhay at iba pang tanggapan ng pamahalaan na makiisa at makipagtulungan sa mga kapisanan ng manggagawa sa buong bansa upang gunitain at gawaran ng angkop na parangal sa pagdiriwang ng “Linggo ng Paggawa”.

Gayundin, hinihikayat ko ang lahat ng mga kasapi sa pamamahayag na iparating sa taumbayan, higit-lalo na sa kabataan, ang kahalagahan ng mga manggagawa sa pagdiriwang ng “Linggo ng Paggawa”.

BILANG KATUNAYAN NITO, lumagda ako rito at ikinintal ang tatak ng Republika ng Pilipinas.

ISINAGAWA sa Lungsod ng Maynila, ngayong ika-29th ng Abril, sa taon ng Ating Panginoon, Labing-Siyam na Raan at Siyamnaput Apat.1aшphi1

(Sgd.) FIDEL V. RAMOS

Nilagdaan ng Pangulo ng Pilipinas:

(Sgd.) TEOFISTO T. GUINGONA, JR.
Kalihim Tagapagpaganap


The Lawphil Project - Arellano Law Foundation